alam mong nasasaktan ka. ramdam mo ang hapding gumuguhit sa dibdib sa t’wing maaalala siya o kaya naman ay may magbibirong nariyan siya, nakita niya lalo na kung may kasama ng iba. ang katotohanan kasi, wala na kayo, nakahanap na siya at naiwan ka.
masakit? kung gayon ay ‘wag mo ng ituloy ang pagbasa.
kung kaya mong tiisin, ituloy natin.
susubukan mong makalimot, ititindig mo ang sarili at sasabihing “magsisimula akong muli!” binura mo na ang number niya. maaaring ang ilang larawan o mga love letters niya ay itinapon mo na rin. ang mga regalo niya, nasa kahon na o di kaya ay naipamigay mo na. sa ganitong paraan, pinapalaya mo ang sarili mo sa mga alaala niya. inaalis mo ang mga naiwan niya. gayunman, may mga alaalang mahirap alisin lalo na kung naiwan ito sa puso mo.
napaso ka ba? pwede kang tumigil, magmura at sabihing siraulo ang nagsulat nito. pero alam kong mas siraulo ka dahil tatapusin mo pa rin ang pagbabasa.
at dahil sa masasayang sandali ninyo, may mga kantang pinili ninyong maging theme song. paano ka ngayon makakaligtas sa radyo o sa mga concert o minsan, sa sasakyan. ilang beses mo na bang naranasan na masaya ka, maayos at ang araw ay tila para sa iyo nang biglang may maririnig kang awit na magpapaalaala sa inyo. pareho pa ba ang nararamdaman mo? ang hatid bang saya ng awit na ito noon ay katumbas ngayon? E’ kung biruin kitang ang awit na ito ay pinili rin nilang maging awit, o mas malala ay gawing theme song sa kasal nila?
paano kung sabihin ko sa’yo na sa nararamdaman mo ngayon ay talo ka. isa kang loser!
handa ka ba kung sakaling magkasalubong kayo? ano ang sasabihin mo? Paano kung magtapat siya sa’yo at sabihing mahal ka pala niya. ikaw pala ang tama para sa kanya. nakabukas ang kanyang mga braso at naghihintay ng yakap. tatanggapin mo ba siya? hindi mo ba iisiping nagbalik siya dahil alam n’yang hindi mo siya matitiis? dahil ang alam niya… siya ang sentro ng buhay mo?
ouch?!! isumpa mo man ako, itutuloy ko pa rin.
wala ng gustong makinig sa’yo. ang kwento ng pag-iibigan niyo ay alam na ng lahat ng kaibigan mo. hindi pa siya naisusulat at nagagawang telenovela o di kaya dulang panradyo ay pinagsawaan na ng mga tao dahil sa paulit-ulit mong kwento. wala ng gustong bumili sa mga sakit na nararamdaman mo. wala ng gustong makinig. dahil wala ng interesado… ikaw na lang ang naiwan diyan, at maging siya, wala ng pakialam sa’yo.
wag kang umiyak. nakanangp*cha! bumenta na ‘yan.
ang pagkakaroon ng minamahal o ng kasintahan ay nagbubunga ng mas malaking barkada, ng kaibigan o ng nakikilala. sa madaling salita, lumalawak ang mundo. e’ bakit pinaliit mo ang mundo mo sa kanya?! paano mong tiniis na mabuhay nang nakasentro sa kanya?
gumalaw-galaw ka muna at baka ka maistroke.
totoong moving on from a relationship is hard. lahat ng reasons meron ka. infact pwede mong isulat ang 1001 reasons kung bakit mo nararamdaman ‘yan. gayunman, hindi mo pa napapapublish yan, may magsusulat na ng 1002 reasons why you need to move on, o kaya naman 1003 reasons kung bakit masayang maging malaya at 1004 reasons kung bakit ka dapat tawaging loser.
alam mong hindi binibilang ang taon at lalong hindi sinusukat ang effort. alam mong pareho kayong naging masaya noon. ano ngayon ang dahilan para magsisi o manghinayang sa mga nakaraang araw?
maaaring lahat ng mura ay naipukol mo na sa kanya. kung nakamamatay ang mga masasakit na salitang iyan, o ang galit na nararamdaman mo ay maaaring nailibing na siya. alam mong hindi maibabalik ng mga iyan ang relasyon ninyo. alam mong hindi mo siya mapipilit at alam mong hindi mo kontrolado ang buhay niya. marami kang alam pero ang totoo, merong kang hindi alam. alam mo ba na kontrolado niya ang buhay mo? alam mo ba na ginagawa ka niyang tanga hanggang ngayon? sa nangyari sa’yo, alam mo ba na maraming masasayang araw ang pinapalampas mo. alam mo rin ba na hindi mo kailanman mapapalitan ang minahal mong ‘yan, di mo mahahanap at di darating ang para sa’yo? dahil hindi mo alam na may taong handang gumalang sa nararamdaman mo, handa kang tanggapin, handa kang ingatan, handang magsakripisyo at mahalin ka ng labis kaysa sa pagmamahal mo? alam mo bang maaaring nariyan na siya kaso ay hindi makapasok sa buhay mo dahil sarado pa, dahil abala ka pa sa tumarantado sa’yo.
o sabihin man nating ang mga iyon ay walang kasiguruhan, ang totoo ay hindi mo alam na ang paghihiwalay ninyo ay mas makabubuti sa’yo.
kelan ka huling humigop ng kape o ng tsaa kasama ng mga kaibigan mo? kelan ka huling nagjogging? kelan ka huling nagbakasyon. kelan ka huling tumingala sa langit at pagmasdan ang paglipad ng malalayang ibon at paggalaw ng ulap. kelan mo huling nasulyapan ang paglubog ng araw at unti-unti pag ningas ng kalawakan sa paglabas ng mga bitwin.
kelan ka huling lumabas kasama ng mga mahal mo sa buhay? kelan mo huling nakabonding ang kapatid, kaibigan o magulang mo? kelan ka huling naglinis ng kwarto? kelan ka huling nagsulat sa diary, kelan ka huling nagbasa at nakatapos ng libro?
marami ka ng napapalampas. kanino mo gustong marinig ang salitang move-on? sa kanya? masarap maramdaman na kontrolado mo ang buhay mo. masarap makitang muli kang nakatayo, in-control, at nagagawa mo ang gusto mo. masarap maging malaya.
Wednesday, June 2, 2010
Masarap maging Malaya
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment